Eye.Speak.

Sulat.

Posted in Kwentuhan lang by cruela de vil on September 2, 2011

Eleonora Santiago Y De Jesus

23 Calle Veritas

España, Manila

Junio 21, 1911

 

Juanito,

Kumusta? Sana ay nasa mabuti kang kalagayan. Sana’y matiwasay naman ang mga araw mo noong nakaraan. Sana’y wala kang problema. At higit sa lahat, sana’y wala kang sakit.

Sa totoo lang, hindi ko alam kung papaano ako susulat sa’yo. Hindi ko alam kung papaano kita tatawagin. Kaya naman nagpasya na lamang akong Juanito ang ipambungad kong bati sa’yo sa liham na ito.

Marahil naiinip ka na. At marahil, nais mo naring malaman kung ano ang gusto kong sabihin sa iyo at ako’y napasulat. Alam kong hindi ito ginagawa ng karamihan, lalo na ng mga kababaihan, subalit hindi ko na talaga mapigilan ang aking nararamdaman. Juanito, matagal na akong lihim na humahanga sa iyo. At ang paghanga kong ito ay umabot na sa puntong hindi na ako makatulog sa gabi hangga’t di ko nasusulyapan ang mukha mo.

Nais kong maramdaman sa aking mga palad ang iyong makinis at mamula-mulang pisngi. Gusto ko ako ang magpunas ng pawis sa iyong likuran tuwing uuwi ka galing ng bukid. Nais kong pagsilbihan ka twing agahan, tanghalian o hapunan. Gusto kong gumising sa ngiti ng iyong mga matang singkit at malunod sa tamis ng iyong maiinit na halik. Nais kong marinig na iyong sambiting ako’y minamahal mo rin. O, kay sarap siguro ng pakiramdam kung manggagaling ang salitang “Mahal kita” mula sa iyong malalambot na mga labi.

Hindi mo ba napupuna kung bakit hindi ko pa ibinibigay ang matamis kong “oo” kay Luciano sa kabila ng mariin at matyaga nyang panliligaw sa akin?

Juanito. Matagal na kitang minamahal. At gusto kong masinagan ang sinag ng haring araw habang nakapulupot ang iyong bisig sa aking baywang. Sa bawat araw, sa bawat buwan ng bawat taon..

Nagmamahal,

Eleonora

Juanito S. Valenzuela

Manila City

August 29, 1951

 

Eleonora,

Kumusta? Sa totoo lang, hindi ko alam kung papaano ko sisimulan ang pagbati sa’yo. Kaya minabuti ko ng batiin ka ng kumusta. Mabuti naman ako. Sa katunayan, maganda at masagana ako ngayon kaysa noong huli mo akong nakasama. Malusog ang aking pangangatawan at masagana ang negosyo ko. Nakakatuwang pagmasdan ang unti-unting paglago ng kinikita ko sa pagtatanim. Totoo ngang sa kaunting sipag at tiyaga, maari kang umunlad sa buhay.

Ikaw? Kumusta ka naman? Buhay pa ba ang alaga ninyong si Putim o binenta nyo na? Mahal na ang benta ng baka ngayon. Kung ibinenta niyo na, marahil ay malaki ang magiging tubo ninyo kay Putim.

Si Ate Sineng at si Lalay, kumusta? Wala na akong balita diyan simula ng umalis ako ng Pilipinas noong 1913. Buti nalang at inako ako ni pinsan Jose. Kundi, marahil ay namatay narin ako bilang sundalo nang dumating ang mga Hapon diyan. Balita ko’y binomba nila ang España at seryosong pinsala ang naidulot nito.

Eleonora, nang mabasa ko ang sulat mo, nagulat ako. Nabigla. Naguluhan. At higit sa lahat, nagsisi. Nagsisi na hindi ko ipinaglaban ang nararamdaman ko para sa’yo. Hindi ko alam na ang pagiging tulay ko sa kaibigan kong si Luciano ay hahantong sa ganito. Alam naman nating hindi ko kalianman kayang pagtaksilan si Luciano. Kaya tiniis ko na lamang ang sakit. Hinayaan kita mapunta sa kanya. At ako nama’y nagpakalayo-layo sa Ilocos.

Ngunit, isa pala ‘tong maling desisyon. Ngayon alam ko na ang totoo ng mabasa ko ang liham na ‘to. Kung dumating lamang sa akin ‘to ng mas maaga, marahil ay hindi na ako umalis ng Pilipinas. Marahil, sabay nating pagmamasdan ang pamumuti ng buhok nating dalawa. Masisilayan mo ang unti-unting paglagas ng buhok ko sa bumbunan. Panonoorin ko ang panahon na umukit ng marka sa iyong makinis na noo..

Eleonora. Patawarin mo ako. Patawad dahil ngayon ko lang tuluyang inamin ang nararamdaman ko para sa’yo matapos ang 40 taon. Napakaraming sinayang na oras na sana’y inalay ko nalang sa pagbuo natin ng pamilya.

Naranasan mo sanang maglakad sa altar suot ang isang puting-puting traje de boda gaya ng iyong pinangarap. Naranasan mo sana maging isang ina sa makukulit na babae’t lalaki. Diba nga’y gusto mong magkaroon ng 3 anak na babae at 2 lalaki? Sabi mo gusto mo ng isang malaking pamilya gaya ng sa inyo.

Sabi nga nila, ang pagsisisi ay nasa huli. Pero hindi ako nagsisisi. Alam kong hindi na makakarating sa’yo ang sulat na’to, Eleonora. Ngunit alam kong mababasa at makakarating sa’yo ang laman neto habang sinusulat ko siya ngayon dito sa dati nating tagpuan. Alam kong andito ka, Eleonora. Alam kong pinagmamasdan mo ako ngayon habang nakaupo sa ilalim ng puno ng santol sa tabi ng dating bahay nila Teban.

Ang laki na pala ng pinagbago ng barangay natin. Bumulatlat nga sa mga mata ko kung gaano kalaki ang naging pinsala ng pambobomba ng Hapon sa Kamaynilaan. Luray-luray ang dating matatag na dingding ng bahay nyo. May nakita akong palamuti sa buhok sa may malapit sa dating silid ni Lalay. Sa’yo ba yon? May disenyong maliit na paru-parong gawa sa brilyante. Nilinisan ko ito dahil nadungisan na ng nanuyong dugo.

Eleonora, hintayin mo ako. Papunta na rin ako dyan. Magkakasama na tayo.

 

Nagmamahal,

Juanito

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: